![]()
BI
Matagal bumuo ng desisyon si Jomi-para siyang nagpiprito ng hita ng manok sa mahinang apoy at pinatatagal nang pinatatagal nang lumutong kahit ang kaibuturan ng buto nito. Subalit kapag nabuo na ang kanyang loob, gagawin niya ang napagpasyahan nang walang pagdadalawang-isip. Gaya sa gabing ito: napagdesisyunan niyang puntahan ang nababalitang bagong bath club sa San Juan. Nais niyang malaman kung hanggang saan ang dulo ng kanyang pagtitimpi, malaman ang hangganan ng kanyang pagkalalaki. Lilinawin niya ang hinalang hindi siya buung-buong lalaki subalit hindi naman siya bakla. Gusto niyang malaman kung silahis nga siya, AC-DC, kuryente, pendulum, bisexual, bi. Dala ang isang pitaka na naglalaman ng i.d. na walang kinalaman sa PR company na kasalukuyang pinapasukan, dalawang libo, condom, at suot ang isang military jacket (panakot sa magnanakaw at pananggalang sa maling haka sa kanyang katauhan), pumara siya ng taksi at ibinigay ang address ng club. Tinalunton nila ang pasikut-sikot na mga kalye ng San Juan. Kung dinala niya ang kanyang sasakyan malamang nawala siya. Walang pangalan ang mga kalye at walang tiyak na plano ang mga ito; bumubulusok minsan at kapagdaka'y bigla na lamang aahon. Madilim pa man din ang mga kalye at napakaraming sangang-daan. Kahit walang karatula (walang magkakamaling maglagay ng karatula sa ganitong negosyo), malayo pa alam na ni Jomi ang patutunguhan dahil sa palatandaang puno ng balete na malalabay ang sanga. Mataas ang pader-mga isa't kalahating tao ang taas-na pinakapal ng gumagapang na halaman. Binayaran ni Jomi ang ngising-asong taxi driver at bumaba ng sasakyan. Natatakpan ng ilang yero ang malaking tarangkahang gawa sa bakal. Sa bungad ng pinto ay may nagbabantay na payat na guwardiya na walang ekspresyon ang mukha. Malamang, naisip ni Jomi, na nasanay na ang guwardiyang ito kaya wala nang pagkamangha sa negosyong kanyang ipagtatanggol nang patayan. Sa loob, tumambad kay Jomi ang malawak na hardin, isang tuyong water fountain, tatlong nabubulok na kotse, at isang malaking bahay na bato na malamang mula pa sa panahon ng mga Amerikano. Walang pinta ang bahay at mapapansin ang matatag at malalapad na kahoy sa ikalawang palapag. Nakasara ang mga bintana at walang ilaw na makikita at ingay na maririnig mula sa loob kaya aakalaing abandonado ang bahay. Tinawid ni Jomi ang hardin, inakyat ang tatlong sementadong baitang patungo sa balkonahe, at binuksan ang pintong tinatanuran ng isang malamlam na bumbilya. Pagkapasok, tumambad kay Jomi ang isang ante-sala na sa liit at baba ng dingding ay mukhang idinagdag na lamang. May reception table na binabantayan ng isang binata. Nakahinga nang maluwag si Jomi: akala niya na pagpasok na pagpasok sa bahay na iyon bubulaga sa kanya ang isang bulwagang puno ng tao: Paano kung may makakilala sa kanya? "Miyembro po ba kayo?" tanong ng binata. "Bago lang ako," sagot ni Jomi. "Limandaan po ang membership fee sa loob ng isang taon at tatlong daan ang upa sa isang kuwarto. Hihingi rin po ako ng i.d. Hanggang alas tres din lang po ang club," paliwanag ng binatang sa tantiya ni Jomi ay maglalabimpitong taong gulang lamang. Ibinigay ni Jomi ang hinihingi habang binabasa ang ilang tuntunin ng club. Batay dito, papasa siya: nasa tamang edad-hindi matandang-matanda datapwat hindi rin naman bata, hindi payat at walang anumang karamdaman. Binigyan siya ng susi, puting tuwalya, isang sepilyong pambata, toothpaste at sabong maliit. May isa ring complimentary condom na strawberry-flavored. "Nasa ikalawang palapag po ang silid ninyo, gawing kanan," instruksiyon ng binata. Pinapasok si Jomi sa isa pang pinto. "Marami yatang pintuan sa bahay na ito," naisip ni Jomi. Madilim subalit naaninag ni Jomi na malaki ang bulwagan. Malaki rin ang hagdang paakyat sa ikalawang palapag. "Marahil dito sa bulwagang ito dati idinaraos ang mga kasayahan noon. Ngayon, ibang kasayahan na ang nagaganap dito na tiyak na hindi man lang sumagi sa isip ng mga dating may-ari." Napansin din ni Jomi ang bungi-bunging aranya na hindi pa tinatanggal. Mula sa sala makikita ang nagsasangang madidilim na pasilyo sa una at ikalawang palapag. May manaka-nakang bumbilya sa mga kanto na nagbibigay ng sapat na liwanag para makita ang dinadaanan at maaninag ang mukha at anyo ng mga lalaking naroroon. Nang masanay sa dilim ang kanyang paningin, napansin ni Jomi ang mga sampung lalaki sa sala. May nakaupo, nakasandal sa dingding, nagbubuklat ng babasahin gayong madilim. Maliban sa nakatapis na tuwalya ay wala na silang saplot sa katawan. Nakapako ang kanilang paningin sa bagong dating na bigla namang kinabahan. "Desisyon mo ito," paalala ni Jomi sa sarili. Nakahinga siya nang maluwag nang matiyak na walang nakakilala sa kanya. Naiilang lang siya sa nananarok na tingin ng mga lalaking iyon. Nararamdaman niya ang kanilang titig sa lahat na bahagi ng kanyang katawan habang papaakyat ng hagdan. At kinaiinisan niya ito: ang matamang panunuri ng katawan ng may katawan. Pakiramdam niya'y para siyang karne. "Malamang naamoy na bagito ako," pampalubag niya sa sarili. Ganitong-ganito ang naramdaman niya nang minsang yakagin siya ng kaibigang homosexual na aktibo sa gay movement. Pumunta sila sa isang pulong ng isang gay group. Sa loob ng isang masikip na condo unit sa Malate, nagpulong ang mga limampung miyembro. Walang magawa ang garalgal na air-conditioner. Maiingay din sila, naghaharutan. Naggigirian. At nang simulan ang talakayan sa araw na iyon-magkakawing na paksang abstinence, commitment, single-blessedness at homosexuality, na pinamunuan ng isang baklang pari na tumatayong adviser ng grupo-halos nagkaisa sila sa paniniwalang hindi dapat ipataw ang pamantayan ng relasyong heterosexual sa kanila. Masaya sila dahil sa tinatamasang kalayaan-makasama ang sinumang magustuhan at magawa kahit ano at gawin ito kahit saan nang walang pangingimi. Ipinagdiinan nilang sa kanilang pananaw walang masama kung promiscuous ang isang tao. Isa ito sa hindi matanggap ni Jomi sa grupong iyon-ang sinasabing promiscuity ng mga bakla. Pakiramdam niya habang nagmamasid sa talakayan ng gabing iyon na marami sa kanila ay pakikipagtalik lamang ang habol. Hindi niya masikmura ito. Sa kanyang paningin, anumang permutasyon ng relasyon-lalaki-babae, babae-babae, lalaki-lalaki, bakla-bakla, lesbian-lesbian, bisexual-bakla, at iba pa-ay hangad pa rin niyang kakitaan ng exclusivity at commitment. Ng paggalang at tiwala sa isa't isa. Ng pagsasawata ng pagnanasa dahil sa pag-ibig na mas mahalaga rito. Hindi nga lang niya maipaglaban ang kanyang pananaw sa pulong na iyon. Magmumukha siyang tanga. Na parang imumungkahi sa kapwa negosyante na magbayad ng tamang buwis. Kaya nga hindi na siya bumalik sa pulong ng grupong iyon kahit ilang ulit siyang hinikayat ng kaibigan. Nasa ikalawang palapag na nararamdaman pa rin niya sa kanyang batok at likod ang titig ng mga lalaki sa sala. Nakalilito sa ikalawang palapag dahil maraming pasilyo at higit na madilim dito kumpara sa ibaba. Maliliit din lang mga mga silid, kasya lang halos ang isang higaan. Sa liit ng kuwarto, napagkasya ang maraming silid sa ikalawang palapag. Sinira ang mga dating dibisyon upang magawa ito. Sa madilim at makitid na pasilyo nakasalubong ni Jomi ang mga naglalakad na tuwalyang puti na kumikinang sa dilim. Walang panama ang mga kaluluwang nakakasalamuha marahil ng mga Spirit Questors, nangingiting naisip ni Jomi. Maraming nakasalubong si Jomi sa makikitid na pasilyo. Napansin din niya ang katamtamang musikang maririnig sa lahat ng sulok ng club mula sa mga speaker na nakakubli sa kisame. Hindi niya mauri ang musika. Staccato ang ritmo nito--himig ng pagtatalik. Sa kanyang kuwarto, sandali siyang humiga sa kama. Malinis ang bed sheet at amoy Lysol ang silid. Wala ring alikabok sa mesitang kinapapatungan ng isang lampara. Hindi pa rin siya makapaniwalang narito siya ngayon sa club. Pinakikiramdaman niya ang sarili: "Matutukso kaya ako? Nakakatakot isipin ang maaaring kahantungan nito." Subalit kailangan niya itong tuklasin. Muntikan na siyang ikasal dalawang taon na ang nakakaraan. Paano kung natuloy ang kasal at pagkatapos biglang nabuhay ang katotohanang maaaring mahulog ang kanyang loob sa kapwa lalaki? Mabuting harapin na niya ito ngayon. Mapatunayan sa sarili ang kaya at di-kayang gawin. Sa kabilang banda, nahihintakutan siya sa posibleng mangyari: na kapag nasimulan na ang isang bagay ay magkakaroon na ito ng sariling lohika. Hinubad ni Jomi ang kanyang damit. Maliligo muna siya sa common bathroom bago galugarin ang bahay. Papunta sa banyo narinig niya ang langitngit ng ilang kama. Walang humpay at may tiyak na ritmo. Nakakita rin siya ng isang malaking daga na pumupuslit paibaba ng enggrandeng hagdanan. Ang banyo na yata ang pinakamaliwanag na bahagi ng club. Sampung shower ang nakahilera sa isang panig; walang dibisyon. Halos puno ang banyo. Ito na yata ang puno't dulo ng lahat. Nahihiya man, wala nang magawa si Jomi. Tinanggal niya ang kanyang boxer shorts at naligo. Muli, nararamdaman niya ang mga titig, ang panakaw na paglingon ng mga tao sa banyo. Hindi niya magawang igala ang paningin, lutasin ang ilang katanungan: pareho ba ang hugis at anyo ng mga ari? Hindi kaya kahiya-hiya ang sa kanya kumpara sa iba? Bakit sentro ito ng katauhan ng ibang lalaki? Humarap kay Jomi ang mamang nasa gawing kaliwa. Ngumiti sa kanya habang sinasabon ang ari. Mga dalawampu't lima ang edad ng mama, kasing-edad ko, tantiya ni Jomi. May tipo kahit maraming taghiyawat sa mukha at likod. Kumislot ang kanyang ari subalit pinigilan ng kanyang utak ang paglaki nito. Instinct? Ito na ba iyon-nagsisimula sa pagtigas ng ari? Tinanguan niya ang lalaki bilang pagbati ngunit ibinaling ang atensiyon sa pagsabon ng katawan upang ipahiwatig na hindi siya interesado. Hindi niya pa gamay ang kakaibang wika ng lugar na ito. Napansin niya na bihira sa lugar na ito ang baklang baklang-bakla ang galaw at anyo. Sa katunayan, hindi niya pagdududahan ang mga tao rito kung makakasalubong sa labas. Ito na nga yata ang tinatawag na mga paminta-mga lalaking-lalaki ang anyo subalit lalaki rin ang hinahanap. Maaring katulad ko, pag-aamin ni Jomi. Ang mga ito ang tipong iniiyakan ng mga babae na hindi magawang pagdudahan ang kanilang seksuwalidad. May mga mukhang regular sa gym. Mga yuppy ang dating. Malinis sa katawan. May bigote ang ilan. Iba-iba rin ang lahi. May mga Tsinoy at Tisoy. Wala talaga sa anyo ang kabaklaan, wala sa propesyon, lahi, edad, talino. Mula sa banyo naisipan niyang galugarin ang bahay. Hindi niya kayang maghanap ng makakausap dahil ano ang isasagot niya kung sakaling yayain siya. Sorry, observer lang ako. Investigative journalist ako. Hindi, sinusukat ko lang ang haba ng pagkalalaki ko. Tinawid niya ang sala at sinundan ang pasilyong mukhang patungo sa dating kusina ng bahay. Higit na madilim dito kaya nagkukulumpunan ang mga lalaki rito. May nagyayakapan. May nagmamasahe ng balikat at dibdib. May naghahalikan. Pagliko sa isang kanto, may tumapik sa kanyang balikat. Napahinto siya. Gumala paibaba ang kamay ng lalaki at pinisil ang kanyang ari na ikinagitla niya. "Hi!" bati ng lalaki. "Hi!" sukli rin ng nagitlang si Jomi. "Wanna join me?" alok ng lalaki. "I'm fine," nasambit ni Jomi habang papalayo. Sinabayan siya ng lalaki: "Bago ka rito? Ngayon lang kita nakita." "First time ko. Gusto ko lang tingnan dahil lagi ko na ring naririnig," ani ni Jomi. "Let's go to my room," muling anyaya ng lalaki. "Nag-oobserba lang talaga ako. Puwede tayong mag-usap lang, kung hindi mo mamasamain," sagot ni Jomi. "Sige, doon tayo sa balcony sa itaas. Puwedeng manigarilyo doon." Sa balkonahe ay may ilang upuan at kaunting liwanag mula sa isang poste. Nasa gawing likuran ito ng bahay at mula rito ay maaamoy ang ilog Pasig at makikita ang nagtataasang gusali ng Makati. Mag-aalas nuwebe na ngunit patuloy pa rin ang trabaho sa ilang itinatayong gusali. May ilang lalaki rin ditong naninigarilyo. May nag-uusap. "I'm Jim," pakilala ni Jomi. "Lito. Regular dito," pakilala ng kausap habang iniaabot ang kamay. "Ano ang ginagawa mo rito?" "Curiosity," sagot ni Jomi. "Iyan ang ikinamatay ng maraming pusa," panunukso ni Lito. "Actually, gumagawa ako ng research. Plano kong gumawa ng short film ukol sa club. Puwede ka bang ma-interview?" patuloy ni Jomi. "Oo naman. But you have to answer why you chose this place. Bakla ka ba?" "Not really. Bisexual marahil," pag-aamin ni Jomi. "Mayroon bang ganoon? Baka stage lang iyan. O front kaya?" sabi ni Lito. "Sa tingin ko, may mga tao talagang sadyang ganito. Interesado sa dalawa. Puwedeng magkarelasyon sa babae man o lalaki. Hindi ba may salitang silahis o bi? Naging cover story na ito sa Newsweek at may mga artikulo na ukol dito," paliwanag ni Jomi. "Pero weird ito. Baka in denial lang ang mga silahis. Marami kasi talagang takot amining bakla sila. Kumbaga, para sa ikapapanatag ng kanilang konsiyensiya, sasabihin nilang bi sila. Easy way out sakaling magkagulo," patuloy ni Lito. "Marahil totoo ito sa ibang kaso. Subalit may tao talagang nagkakagusto, emotionally at sexually, sa babae at lalaki. Iba-iba nga lang ang kanilang dahilan. Ikaw, titigasan ka ba sa babae?" tanong ni Jomi. "No way," sagot ni Lito. "Well, ang bi tinitigasan sa babae at kaya nilang makipagtalik sa babae, na hindi magagawa ng bakla," paliwanag ni Jomi. "Subalit mas kanino sila tinitigasan, sa babae o lalaki? Kung mas matindi ang pagnanasa at mas matigas ang ari kapag lalaki ang pinag-uukulan ng pansin, bakla siya," dagdag ni Lito. "Maaari. Subalit hindi mo maitatatwa na kaya nilang makipagtalik sa babae. Na hindi magagawa ng bakla," bawi ni Jomi. "Iyon nga lang, hindi mo naman talaga masasabi na fifty-fifty ang atraksiyon. Maaaring sixty-forty, o seventy-thirty. Basta nandoon palagi ang dalawang bahagi." "Well, okey. You may be right. I wouldn't know," banggit ni Lito. "Anyway, what do you do?" tanong ni Jomi. "Lawyer ako sa isang firm sa Makati. Ikaw?" tanong ni Lito. "Graduate student ako," sabi ni Jomi. "Ano, ayaw mo ba talaga?" muling anyaya ni Lito habang hinahawakan ang hita ni Jomi. "I like your skin." "Wala, nag-iikot lang talaga." "See you then. Balik sa paghahanap. Mahirap na at baka maubusan," pamamaalam ni Lito. Naiwan si Jomi sa balkonahe, sumakit ang ulo sa pakikipagdebate kay Lito. Naramdaman na naman niya ang damdaming kailangan niyang ipagtanggol ang pag-unawa sa sarili. Napupundi siya sa pangungulit ng kung sinu-sino. Galit siya sa mga lalaking pinagdududahan ang kanyang katauhan dahil lamang iba ang kanyang mga interes at masyado siyang malinis sa katawan. Inis din siya sa mga baklang itinuturing siyang kakatwa at ipokrito. Nararamdaman niya lagi ang pagkakahon sa kanya. Namumulat na ang karamihan sa ipinaglalaban ng mga bakla subalit mukhang anomalya para sa kanila ang isang silahis. Pumasok na muli sa bahay si Jomi. Gusto muna niyang mahiga dahil nararamdaman niya ang namumuong sakit ng ulo. Bumalik siya sa kanyang silid. Sa pasilyo, napansin niya ang ilang silid na bukas ang pinto. Dahil sa lampara, makikita ang tao sa loob na nagmamanman sa mga dumaraan, nag-aanyaya ang mga mata. May isang mukhang Hapon na nakahiga, liyad ang dibdib; ginawang unan ang mga kamay, ibinibilad ang malagong buhok sa kilikili at dibdib. Nakapikit ito, subalit malamang gising at nakikiramdam. Sa isa namang kuwarto may mama na mga limampu ang edad, malaki ang tiyan at tadtad ng ginto ang katawan. Sinitsitan nito si Jomi. Hindi niya ito pinansin. Sa katabi ng kanyang kuwarto ay may pumasok na dalawang mama at, bago naisara ang pinto, nakita niyang nakatawang humiga sa kama ang isa. Napansin ni Jomi na mangilan-ngilan na lang ang tao sa mga pasilyo. Malamang nakatagpo na ng makakaniig sa gabing ito. Pumasok siya sa kanyang silid, isinara ang pinto at nahiga. Naririnig niya ang kaluskos mula sa kabilang kuwarto at muling napansin ang musikang puwedeng sabayan sa pagtatalik. Nararamdaman niya ang patuloy na pagkirot ng kanyang sentido. Alam niyang dala ito ng maraming nakita at naranasan sa gabing ito. Dulot ng nakaambang desisyon na kailangang harapin ngayong gabi. Kung alam lang ni Tina kung nasaan siya ngayon. Magpapasalamat ito at hindi natuloy ang kanilang kasal. Subalit siya, masaya rin kaya dahil hindi natuloy ang kasal? Wala siyang maapuhap na sagot sa simpleng tanong na ito. Kung natuloy ang kasal, malamang hindi na magkakapuwang ang pagsasalawahang nararanasan niya ngayon. Malamang may isang anak na sila, may hinuhulugang bahay, naghahanda para sa kinabukasan ng anak, nag-iimpok para makabili ng mas magarang sasakyan. May mga pagdiriwang na paghahandaan at mga ritwal na dapat daanan. Bibili ng Christmas tree na palalamutian tuwing Pasko. Na itatago sa buong taon. Plantsado lahat ng damit, lahat ng plano. Magtatrabaho para sa pangangailangan ng asawa't anak. At kakayahin niya ito. Gugustuhin. Noon lang isang linggo, naranasan niya ang inggit at panghihinayang na hindi niya akalaing mararamdaman niya. Sinamahan niya ang pamangkin na kumuha ng entrance test sa isang eksklusibong mataas na paaralang panlalaki. Nakihalubilo siya sa mga magulang na naghatid at nagbantay sa kani-kanilang binatilyo. Nagkakatuwaan ang mga ito, nagyayabangan ukol sa kani-kanilang anak. Nabasa rin niya sa mukha ng ilan ang lungkot at pangamba habang inihahatid ng tingin ang mga anak na papasok sa testing center. Nagbibinata na ang kanilang mga junior, ang kanilang mga baby; nagkakaroon na ng sariling barkada. Simula na ng kanilang paglisan. Mararanasan din kaya ni Jomi ang nagsasalimbayang damdaming ito at marami pang katulad na karanasang laan lamang sa mga mag-asawa? Kapalit ng paggalugad ng atraksiyon sa kapwa lalaki ang masalimuot subalit may kaayusang mundong ito! Bumabalik din sa kanyang balintataw ang masasayang karanasan nila ni Tina. Ang malalalim nilang usapan tungkol sa samutsaring bagay. Ang busilak na pag-ibig ni Tina na ni minsan ay hindi niya pinagdudahan. Ang banayad nilang pagniniig na lipos ng paggalang. Ang makinis nitong balikat, likod, siko, binti, tuhod, paa, daliri sa paa. Ang walang katumbas na lambot ng kanyang pisngi, dibdib, tiyan, hita. Ang mabango niyang buhok at humahalimuyak na katawan. Ang pikit-mata, walang-imik ta may ngiti sa labing pakikipagniig ni Tina. Hindi madaling talikuran ang alaalang ito at ang malinaw at plantsadong daan ng heterosexual, alam ito ni Jomi. Gayunman, alam din niyang hindi pa rin makatarungan sa sarili kung papatayin niya ang isang bahagi ng kanyang katauhan na naghahanap ng katapat na kapwa lalaki lamang ang makapupuno. Ng katawan at kakaibang katangian at ugali at kaluluwa ng kapwa lalaki. Sa ganitong pagkakataon sasagi sa kanyang isipan ang kakaibang himig: Bakit kailangang isa lamang ang piliin? Bakit dalawa lamang ang tanggap na kasarian? Bakit isa lang ang dapat mapangasawa? Bakit malakas pa rin ang gapos ng batas ng nakararami? Bakit anomalya ang sabay at salit-salitang pagnanasa sa babae at lalaki? Bakit kailangang pumili ng isa at pangatawanan ito hanggang kamatayan? Bakit itim-puti, langit-impiyerno,babae-lalaki, mabait-masama, init-lamig, gutom-busog,buhay-patay, Kanluran-Silangan pa rin ang iginigiit ng mundo? Nasaan ang abo, purgatoryo, silahis, neutral, gitna, maligamgam at bahaghari? Sa gitna ng pagtatanong na ito, sisiksik din sa isipan ni Jomi ang maaaring sagot: dahil maikli ang buhay, dahil hindi magagawa at matutupad ang lahat nang naisin ng tao. Kailangang pumili ng isa. Bumuo ng pagpapasya. Ang hindi pagbuo ng desisyon ang puno't dulo ng pagkatiwalag sa katotohanan. Hihinga nang malalim si Jomi upang payapain ang pagod na utak at unos sa kalooban. Pipiliting maidlip. Subalit mahihirapan siya. Alam niya na lalabas siya ng kuwarto, buo ang loob na makikitil ang
pagnanasa sa kapwa lalaki dahil nakayanang hindi matukso sa gabing ito.
Aayusin niya ang kanyang damit, uuwi na, tatawagan si Tina, mag-iisip ng
pangalan sa magiging anak. Matutuloy ang pagpapakasal at magiging ulirang
ama at asawa. Gagawin niya ang kanyang responsibilidad. Hanggang kamatayan.
Subalit sa ngayon, isisilid muna sa jacket ang wallet, maliligo upang mawala
ang kumapit ng amoy ng club sa katawan. Sa shower room, makakasalubong
ang isang bagong dating na binata. Ngingitian siya nito. Magpapakilala.
Babatiin ito ni Jomi. Sasabunin niya ang sariling katawan nang paulit-ulit
hanggang sa magkasugat-sugat ito. Mararamdaman niya ang kakaibang lamig.
Lalapit sa kanya ang binata at lilingon siya dito. Hahawakan siya sa kamay
at yayayain sa silid ng binata. Magpapahinuhod si Jomi. Papasok sila sa
kuwarto at isasara ang pinto. Tatanggalin ng binata ang tuwalya ni Jomi.
Hahalikan sa dibdib at didilaan ang kanyang ari. Na unti-unting nabubuhay.
Gagalugarin ng kamay at dila ang nasusunog na katawan Paglalaruan ang mga
utong. Hahanapin ang kiliti ng katawan. At magsisirko sila. Sabay na bubulusok.
Lalangoy. Lilipad. Maingat na maingat na lilipad.*****
|
© Copyright 1999 Likhaan: U.P. Creative Writing Center
2nd Floor, Faculty Center, University of the Philippines
Diliman, Quezon City, Philippines
Tel: (632) 920-5301 local 7477
Fax: (632) 922-1830